11:55

11:55

Sabado. Inaya ako ng mga ka-opisina ko para mamili sa mall. Para kahit papaano ay malibang kahit sandali mula sa buong linggong pagtatrabaho, sumama ako. Ang isang araw na akala ko ay magiging kaaya aya at maluwag.

Masaya ang araw ko kahit umuulan at bumabagyo pero hindi ito nagtagal. Habang masayang nagkukuwentuhan sa loob ng jeep patungong "mall", nang ang aking atensiyon ay biglang pinukaw ng isang pamilyar na halimuyak. Ang halimuyak ay nagmumula sa kung kanino sa loob ng sasakyan. Isang halimuyak na hindi sinasadyang tumatak sa aking isipan. Isang halimuyak na akala ko ay limot ko na.


Ilang buwan na ang nakalilipas nang tayo ay masasabi kong unang nagkakilanlan. Ordinaryong tao ka lang sa akin noon. Isang taong darating at aalis. Isang taong masasabi kong hindi ako masasaktan maski anuman ang mangyari sayo.

Sa isang "text", nagsimula ang aking pagkaguho. Wala akong pakialam dati, sinasagot bawat tanong mo. Tinatanong ka kapag, nagmi-"miss call". Nasundan pa ang mga "text" na iyon. Mga palitan ng ngiti bawat pagkakataon na tayo ay magkita. Mga tawagan sa telepono at pagpapalitan ng mga paalaala. Hanggang sa lumalabas ako na ikaw ang kasama.

Minsan sa ating paglabas, habang tayo ay sakay ng LRT patungo sa isang pagtitipon, bakas sa iyong mukha ang pagkabalisa. Tinanong kita. Ang sabi mo, "Wala." Mayroon lang kayong hindi pagkakaunawaan ng iyong kasintahan. Pinabasa mo sa akin ang inyong munting palitan ng mga mensahe. Ang sabi ko, "Okay lang yan. Maayos rin lang 'yan. Ibigay mo lang kasi ang hinihingi niya." Tumango ka at ngumiti.

Nang mga oras na iyon, hindi ko rin maintindihan ang aking sarili kung bakit gusto kitang aluin. Kung bakit mas gusto kitang makitang nakangiti ng mga oras na iyon. Kung bakit gusto kong iparamdam sa iyo na mayroong ibang taong nag-aalala rin sayo maliban sa kasintahan mo. Mula kung saan, aking naibulalas, "Lika nga dito. Yakapin kita." Tumayo ka, lumapit ka at mula sa aking harapan, tumalikod ka iniyakap ang aking mga kamay, saksi ang isa pa nating kasama at ang mga tao sa loob ng LRT. Walang pakialam kung sino man ang makakita. Maski pareho tayong lalaki. Ramdam ang bawat paghinga. Amoy na amoy ko ang iyong napakabangong halimuyak. Halimuyak na kakaiba sa lahat. Halimuyak na natatangi. Halimuyak na ikaw lang ang may taglay.

Hindi doon natapos ang lakad na iyon. Sa haba ng gabi, para bang ikaw lang ang aking kasama, kasayaw sa bawat indak ng tugtog sa gimikan. Magkahawak-kamay bawat lakad. Ang ating pag-uwi, ang hindi ko makakalimutang sandali. Dala na rin ng aking mga nainom na alak, malakas ang aking loob.

Habang nag-aabang ng sasakyan sa ating pag-uwi, tinatawag ng isang grupo rin ng nagkakasiyahan ang iyong atensiyon, marahil nagustuhan ka at nais ka nilang makasama. Pero hindi mo sila pinapansin at sa aking inis sa grupong iyon, tinanong kita ulet, "May panyo ka ba? Pupunasan ko ang iyong likod. Pawisan ka." Pumayag ka at ibingay mo ang iyong panyo. Pinunasan ko ang iyong mukha at pagkatapos, ang iyong likod. Pagkatapos, tinanong kita ulit, "Pwede ba kitang halikan?" Ibinigay mo sa akin ang iyong pisngi. Ngunit hindi ako nakuntento, "Maari bang sa labi." Sumagot ka, "Mamaya na lang pag-uwi." Ang aking kasiyahan at kaba ng mga oras na iyon ay para bang ako'y lumilipad sa lawa ng apoy. Masaya dahil ako'y nakalilipad at malayo sa lawa ng apoy ngunit kinakabahan rin dahil maaring bumigay ang aking pakpak anumang oras.

Sa ating pag-uwi, sa likuran lamang ng nagmamaneho ng taxi tinanong kita, "Maari na ba kitang halikan?" Hindi ka kumilos, wari'y gusto nang umurong sa napag-usapan. At sa kabila ng urong-sulong na sitwasyon, kasabay ng paglanghap ng iyong mabangong halimuyak, kasabay ng pagkawala ng pagkabirhen ng aking mga labi, nangyari ng hindi lamang isang beses ang halik, kundi dalawa at ako ay nalunod sa kasiyahang walang pagsidlan ni hindi mawari kung paano pa ako nakauwi ng gabing iyon.

At sa biglaang paghinto ng jeep, nagising ako mula sa kung saan. Naalala ko, ako pala ay maglalamyerda kasama ng aking mga kaibigan. Sa paghahanap ng mga iba't-ibang bilihin, sa isang tindahan na sari-sari ang laman, hayun ulit ang nangungulit na amoy. Sinundan ko kung saan ito nagmumula at sa ilang maliliit na botelya ko ito natunton. 11:55. Iyon ang tatak ng pabango. Ito pala iyon. Ng mga sandaling iyon bumalik ka nanaman sa aking alaala. Ng mga oras na humihingi ako ng konting panahon para makasama ka. Maski sandali lang, maski hindi mo ito totohanin. Nagdamot ka o sadya lang talagang hindi mo ako gusto gaya ng pagkakagusto ko sayo. Hindi ko ito maintindihan, kung bakit hinayaan mo akong gawin ang mga bagay-bagay. Hinayaan mo akong mahulog sa iyo ngunit sa bandang huli ako pala ay iyong bibitiwan. Iiwanan.

Nakakatawa, nakakalungkot. Ngunit gaya ng pabangong ito, hindi ka rin pala kakaiba, hindi ka pala nag-iisa. May mga boteng kapareho ka. At kagaya ng iba, hindi lang ikaw ang may halimuyak na minsan kong kinahibangan.

***************************************
Ginawa ko to nung 2007 pa. Ngayon ko lang narealize, ANG JOLOGS ko pala! hahaha! haist... I wish I was more mature then...

2 comments:

rodel said...

i can relate to the same situation you have been into. its fresh for me and now on the stage of coping with the reality that what i am giving will not be reciprocated equally.

Opinions Unsolicited said...

thanks po sa pagbisita.

moving on is the best solution to that sir. there's no way to go but up. :-)

active pa po ba blog nyo?

Post a Comment